Kamatayang Pinagkakitaan
Ulat ni Maki Pulido
Dahil sa taas ng presyo at bigat ng gastusin, bawal daw magkasakit. Pero ngayon, dahil sa tindi ng kahirapan, bawal na rin daw mamatay.
Dahil daw sa laki ng gastos sa pagpapalibing ng yumaong mahal sa buhay, kung anu-ano nang mga paraan ang ginagawa ng ilan nating mga kababayan para lang mailibing ang namayapa nang kaanak. Mula sa pagrenta ng ataul at paggamit ng second-hand na kabaong, hanggang sa tila hindi na matapos tapos na pasugalan, at ang paulit ulit na pagpapaturok ng formalin dahil wala pang perang pampalibing.
Sa kabila ng lahat ng ito, tila hindi na nga pangunahing konsiderasyon ang dignidad ng namatay at karamdaman ng mga namatayan. Pagtitipid at pagkakakitaan na nga yata ang mas nangingibabaw sa oras ng kamatayan .
Himayin ang gastusin at silipin ang mga raket sa mga negosyong kakabit na ng kamatayan. Ano nga ba ang ginagawa ng otoridad upang mapigilan ang mga gawaing naaabuso na ang ilan nating mga kababayan?
Huling Hantungan
Ulat ni Jiggy Manicad
Lahat daw ay pantay-pantay sa kamatayan. Mayaman man o mahirap, lahat ay sa sementeryo ang huling hantungan. Pero sa halip na mabigyan ng dignidad ang mga namatay na kaanak, sa ilang mga sementeryo sa kalakhang Maynila, tila nababastos pa sila.
Pinakamaliit ang alokasyon ng lupa para sa mga libingan sa Quezon City, Pasay City, at Malabon City. Wala pang isang porsyento ng lupa ng mga nasabing lungsod ang ginagawang sementeryo. Dahil dito kung ano anong problema ang umuusbong sa mga sementeryo sa nasabing lugar.
May mga libingang sadyang iniiwang nakatiwangwang ang mga bangkay sa araw at ulan upang patuyuin ang laman. Ang dahilan, lagpas na ang limang taong kontrata kaya ililipat na ito sa tambakan ng mga buto o di kaya di na makabayad ang pamilya ng namatayan ng upa sa lupa.
Bukod pa rito may mga lupang sementeryo ang napatituluhan na ng mga dating illegal settler sa sementeryo kaya ang eksena nasa loob ng bahay nila ang mga puntod. Bakit nga ba ang umabot sa ganito ang kalagayan sa ilang mga libangan sa kalakhang Maynila?
No comments:
Post a Comment